Patay ang isang motorcycle rider matapos makabanggaan ang isang pick-up sa Laoag, Ilocos Norte. Ang rider, wala raw suot na helmet nang mangyari ang aksidente.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “24 Oras Weekend”, sinabi ng mga awtoridad na binabaybay ng pick-up ang highway ng biglang sumulpot ang motorsiklo galing sa Barangay Road.
“Mabilis kasi ‘yung takbo ng Hilux talaga kasi diretsong daan ‘yun. Tapos biglang pumasok ‘yung naka-MIO… sinubkan ng Hilux na umiwas pero nagkasagian pa rin sila,” ayon kay Police Staff Sergeant Mark Briones.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang rider at nabagok ang ulo. Bumangga naman sa isang poste ang pick-up.
Naitakbo pa sa ospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay kalaunan.
Sabi ng pulisya, walang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Pinalaya na ang drayber ng pick-up pero hindi pa malinaw kung nagkausap na sila ng pamilya ng biktima, dagdag ng ulat. — Mel Matthew Doctor/DVM, GMA News