Patay ang isang babaeng Grade 9 student matapos siyang barilin ng isang lalaki sa General Santos City. Sugatan naman ang isang lalaki na sasaklolo sa biktima matapos baril din ng suspek.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News Saksi nitong Biyernes, sinabing nangyari ang pamamaril noong Miyerkules sa bakanteng lote sa Barangay Labangal.

Ayon sa mga residente sa lugar, nagulat na lang sila nang makarinig sila ng mga putok ng baril.

“Ang narinig ko na putok, dalawa. Nagkagulo dito sa labas, pati ako natakot, gusto ko na rin tumakbo. Naghanap na rin ako ng tulong. Pagbalik ko ng bahay, nakita ko yung babae dito,” ayon sa isang  residente.

Sinabi naman ni Police Lieutenant Aldrin Gonzales, spokesperson ng GSCPO, nasugatan naman ang isang lalaki na tutulong sana sa biktima.

“Hinahabol ng suspek yung minor na babae, nakita allegedly nitong lalaki na nabaril at yun sana yung tutulong. Unfortunately, pinagbalingan siya ng suspek kaya natamaan yung mukha niya. Nasa ospital ngayon pero buhay at siya yung isa sa magiging witness natin,” anang opisyal.

Sinabi naman ng ama ng biktima na Linggo nang huling umuwi sa kanilang bahay ang kaniyang anak. Hindi raw niya alam kung sino ang mga nakasama nito.

Patuloy ang imbestigasyon at may person of interest na umano ang pulisya. --FRJ, GMA Integrated News