Nahuli-cam ang ginawang panghoholdap ng isang dating sundalo sa isang pawnshop sa General Mariano Alvarez sa Cavite. Ang suspek, naaresto.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GTV “State of the Nation” nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Michael Comutohan Padilla, dating miyembro ng Philippine Army, na nagtatrabaho umano ngayon sa pagbibigay ng security sa mga VIP.

Sa kuha ng CCTV ng pawnshop, makikita ang suspek na tinutukan nito ng baril ang tauhan ng establisimyento.

Sa takot, ibinigay ng biktima ang pera at saka nagtago. Dinukot pa ng suspek ang mobile phone ng biktima bago tumakas.

Sa follow-up operation na isinagawa ng mga awtoridad, naaresto si Padilla.

Nakuha sa kaniya ang mga pera, cellphone ng biktima, mga baril at bala, granada at pakete ng hinihinalang shabu.

Wala pang pahayag ang suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News