Nakunan ng video ang kaguluhan ng mga ilang menor de edad sa Iloilo City kamakailan. Ang ugat umano ng rambol, away dahil sa babae.
Sa ulat ni Zen Quilantang ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, kitang-kita sa cellphone video ang paghaha ng mga kabataang lalaki sa Zone 10, Barangay Calaparan sa Arevalo nitong Lunes ng madaling-araw.
Ilan sa kanila ay may bitbit pang kahoy o kawayan habang hinahabol ang kalaban sa kabilang grupo.
Hanggang sa nagkabatuhan na ng bote ang ilan sa kanila.
Makikita rin sa video na may mga tao rin sa gilid ng kalsada na tila walang reaksyon sa mga nangyayari.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, pawang mga menor de edad ang sangkot sa nasabing gulo.
Ilan daw sa mga ito ay residente pa ng kabilang barangay at patuloy pang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot.
Lumalabas na ang away ang nagsimula dahil sa isang babae hanggang sa magkahamunan na ang magkabilang grupo.
Nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa mga kabataan na iwasang masangkot sa kaguluhan.
Ayon sa ulat, mas pinalawak pa ng barangay ang pagroronda ng mga tanod dahil sa nangyari.
Nilagyan na rin ng ilaw ang madidilim na bahagi ng lugar, at istriktong ipinatutupad ang curfew para sa mga menor de edad. —Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News