Matinding mga sugat ang tinamo ng isang ginang matapos na mahagip ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Batangas. Ang rider na nakabangga, nasawi naman matapos na matumba at mabundol ng dumating na truck.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktimang ginang na si Rowena Rodriguez, 32-anyos, na nagtamo ng mga sugat at pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sugat lang sa tuhod ang tinamo ng kaniyang asawa na si Eduardo, na kasama ni Rowena na tumatawid nang mangyari ang insidente.
Kuwento ni Rowena, tumawid sila sa pedestrian lane sa Maharlika highway sa bahagi ng Barangay San Felix para mag-abang ng masasakyan sa kabilang bahagi ng kalsada. Pero bago tumawid, tiningnan daw mula nila kung may paparating na sasakyan.
Isang truck umano na malayo pa ang nakita nila kaya tumawid na sila. Pero nasa kalagitnaan na sila kalsada nang dumating ang motorsiklo na minamaneho ni Oliver Daquiatan, 36-anyos, taga-Taguig, at nasalpok sila.
Ang rider, sumemplang dahil sa insidente.
Pero habang itinatayo umano ni Daquitan ang motorsiklo nito, dumating ang truck na iniwasan umano ang mag-asawa at nasalpok ang rider.
"Yung truck paparating, para-para 'kong ganyan, hinto-hinto. Tapos humihingi na ako ng tulong kaliwat-kanan. Tapos yung truck hindi siya huminto, umiwas siya sa amin tapos dire-diretso siya. Ngayon natumbok niya yung driver [rider] na nakabangga naman dito [kay Rowena]," kuwento ni Eduardo.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pareho umanong mabilis ang takbo ng motorsiklo at truck.
Pero itinanggi ng driver ng truck na si Gerardo Bancale, na mabilis ang kaniyang takbo.
Nakadetine sa himpilan ng pulisya si Bancale na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property penalty.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng rider at kumpanya na may-ari ng truck, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News