Nasawi sa aksidente ang isang magkasintahan na sakay ng motorsiklo sa TPLEX sa bahagi ng Laoac, Pangasinan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Aljon Mercado, 29-anyos, rider ng motorsiklo, at residente ng Mandaluyong; at nobya niyang si Elisa May Gallon, 25, mula sa Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nawalan umano ng kontrol sa motorsiklo si Mercado sa paliko at pababang bahagi ng highway sa bahagi ng Barangay Anis.

Madulas din umano ang kalsada dahil sa pag-ulan, at bumangga ang magkasintahan sa metal barrier sa TPLEX.

Isinugod umano sa ospital ang magkasintahan pero hindi sila umabot nang buhay.

Ayon pa sa pulisya, galing sa family reunion ng sa Ilocos Sur ang mga biktima.

Naiuwi na sa kani-kanilang lalawigan ang kanilang mga labi.

Sinikap pang makuhanan ng pahayag ang kanilang mga kaanak, ayon pa sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News