TAGKAWAYAN, Quezon - Masaya at maingay ang ginawang pagsalubong sa 2023 ng mga Pilipino.

Sa bayan ng Tagkawayan, Quezon, isinagawa ang isang misa sa Our Lady of Lourdes Parish Church alas-diyes ng gabi ng Sabado. Napuno ang loob at ang labas ng simbahan sa dami ng taong dumalo sa misa.

Maluwag na kasi ngayon ang protocol hindi tulad noong nakaraang dalawang taon ng pandemya.

Matapos ang misa ay nagsimula na ang paggawa ng ingay ng mga tao.

Kanya-kanyang paraan ng pagsalubong sa 2023 ang mga tao. Mayroong mga umiikot na naka-motorsiklo gamit ang mga open pipe o muffler, mayroon namang nagsasayawan sa kalye, may nagkakantahan at siyempre hindi mawawala ang mga nagpapaputok at nagsisindi ng makulay na pailaw.

Isang pamilya naman ang enjoy sa pagpapaagaw ng mga barya habang nagsasayawan.

Sa kabuuan ay naging payapa ang pagsalubong sa Bagong Taon sa Tagkawayan, Quezon.

Metro Manila

Samantala, sa Metro Manila, nasaksihan ng mga residente ang sari-saring naggagandahang fireworks.

 

Makukulay na fireworks ang nasaksihan ng mga residente sa Maynila nitong New Year's Day, Enero 1, 2023. Danny Pata

 

Makikita rin sa drone video ni GMA Integrated News reporter Raffy Tima ang mga fireworks displays sa iba't ibang lugar sa Metro Manila.

 

 

 

Mula sa rooftop naman ng GMA Network Center sa Quezon City ay nakuhanan ng video ng Super Radyo dzBB desk editor Rhommel Balasbas ang maiingay at makukulay na paputok.

 

 

Ayon sa isang survey ng Social Weather Stations, 95% ng mga Pilipino ay sinabing sasalubungin nila ang Bagong Taon ng may pag-asa. —KG, GMA Integrated News