Ang balut na paboritong merienda ng mga Pinoy tuwing gabi, mas naging katakam-takam pa dahil ang isang kainan sa Sta. Rosa, Laguna, nilagyan ito ng kakaibang twist tulad ng balut burger, balut shanghai at balut siomai.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Bam Alegre, ikinuwento ni Alyssa Libas, owner ng Chubby Cheeks, na mahilig siyang manood ng mga mukbang sa YouTube at naintriga siya kung paano nakakain ng ibang tao ang balut dahil hindi siya mahilig dito.

Kaya naman nilagyan niya ito ng twist para makain, tulad ng adobong balut, sisig balut, kare-kareng balut at sinigang na balut.

Bumenta ito sa kaniyang negosyo, pero ang pinakapumatok sa menu ang balut pika-pika na pwedeng merienda.

Hanggang sa nagkaroon na rin sila ng balut burger, fried balut at lugaw na may toppings na may sisig balut. Nakagawa rin sila ng balut shanghai at balut siomai.

Best-seller ngayon nina Libas ang balut burger overload. Gawa sa pure balut ang patty nito.

Para sa paghuhulma ng patty, dinudurog nila ang sisiw ng balut saka isasama sa mga kadalasang sangkap ng patty.

Para matiyak na papatok ang balut dishes ni Libas, mula sa Marikina ang kanilang supplier at kinukuha nila ang mga balut na 15 araw na ang itinagal.

Sa ngayon, kumikita sila ng triple kumpara sa noong inumpisahan nila ang kanilang kainan. —VBL, GMA Integrated News