Nasawi ang isang 60-anyos na lalaki, habang sugatan ang kasama niya matapos silang pagpapaluin ng tatlong suspek habang nagpapahinga sa bangketa sa Tanauan City, Batangas. Ang mga biktima, nagbabayan-bayan para maglako ng laruan, at tinangay ng mga suspek ang pinaghirapan nilang kita.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Salvador Baniqued, mula sa Sampaloc, Manila.
Nagpapagaling naman dahil sa tinamong sugat dahil sa palo ng kahoy ang kasama niyang si Crispin Francisco, 56.
Ayon sa pamangkin ni Baniqued, nagbabayan-bayan ang dalawang biktima para kumita sa pamamagitan ng paglalako ng mga laruan.
Pero habang nagpapahinga sa bangketa ang mga biktima, inatake sila ng tatlong suspek at pinagpapalo ng kahoy.
Tinangay umano ng mga suspek ang kita ng mga biktima na aabot sa P11,000.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, nadakip ang tatlong suspek, at isa sa kanila ay menor de edad.
Kinilala ang dalawa sa mga suspek na sina RJ Cortuna at Benedict Bingua, na residente sa nasabing bayan.
Hindi na nabawi ang pera ng mga biktima.
Ayon kay Cortuna, inaya lang siya ng mga kasamahan at hindi alam na ganoon umano ang gagawin sa mga biktima.
Sinabi naman ni Bingua na hindi nila intensyon na patayin ang biktima at pagkuha lang sa pera ang kanilang pakay.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga nakakulong na suspek.--FRJ, GMA Integrated News