Inaresto ang isang 71-anyos na lolo matapos niyang barilin ng airgun at mapatay ang aso ng kanyang kapitbahay sa General Santos City. Ang aso, hindi raw nakatali at nilapa ang alaga niyang kambing.

Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang inarestong lolo na si Jose Andrada.

Ayon sa ulat, Disyembre 23 umano nang atakihin ng aso ng kapitbahay ang alagang kambing ni Andrada.

Namatay ang alagang kambing ni Andrada.

Paliwanag ni Andrada, tinangka niyang awatin ang aso pero susugurin umano siya kaya binaril niya ito gamit ang airgun at napatay.

Sa nakalipas na dalawang taon, walong kambing na raw ni Andrada ang napapatay ng alagang aso ng kaniyang kapitbahay.

Ayon sa pulisya, labis ang paghihinagpis ng may-ari ng aso dahil sa sinapit ng kaniyang alaga.

Sasampahan si Andrada sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.

Samantala, galit at awa ang naramdaman ni Emmylou Docog mula sa Naga City, Camarines Sur matapos makita ang kaniyang alagang aso na umuwi na may tama ng pana sa tiyan noong madaling-araw ng Pasko.

Agad namang nagbigay ng tulong si Patricia Gillyn Credo, isang animal welfare advocate, matapos i-post sa social media ang nangyari sa aso.

Dinala ang aso sa isang veterinary clinic at isinailalim sa operasyon.

Ngunit mariing kinondena ni Credo ang insidente at sinabing hindi dapat kinokonsinti ang karahasan sa hayop.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News