Patay ang isang ama sa San Isidro, Abra matapos siyang bugbugin ng kanyang sariling anak. Labis naman ang pagsisisi ng suspek dahil hindi raw niya inakalang mapapatay niya ang kaniyang ama.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Valentino Billaoac, 59, at ang naarestong suspek na si Jonathan, 32.
Ayon sa pulisya, lasing na umuwi si Jonathan sa kanilang bahay sa Barangay Tangbao at tinanong si Valentino na nasa kusina noon, kung bakit mayroon siyang sugat sa mukha at kamay.
Hindi umano sumagot ang biktima na nagalit ng suspek, at dito na umano sinimulang gulpihin ng anak ang kaniyang tatay.
Nasaksihan umano ng 13-anyos na apo ni Valentino ang pangyayari.
Hindi siya pumayag sa isang panayam sa harap ng kamera pero kinumpirma niyang binugbog ng suspek ang biktima.
Wala naman sa bahay noon ang asawa ng biktima na si Delia, nang mangyari ang insidente. Pero nang umuwi siya dakong 3:00 am, nagulat siya nang hindi na niya magising ang mister.
Ayon sa ulat, labis ang pagsisisi ng suspek sa pangyayari at inaming ginulpi niya ang ama pero hindi niya raw inakala na mapapatay niya ito.
“Nakasuhan na itong suspek ng parricide at naghain siya ng waiver para sagutin ang reklamo laban sa kaniya,” saad ni San Isidro Police Station investigator Police Corporal Rodrigo Ramos. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News