Sugatan at wala nang buhaynang matagpuan sa cell site ang isang pitong taong gulang na babae na lumabas ng bahay para bumili ng tinapay sa Estancia, Iloilo.

Sa ulat ng Super Radyo Iloilo, na iniulat din sa Super Radyo dzBB, inilahad ni Police Staff Sergeant Dan Gerald Allanic, imbestigador ng Estancia Municipal Police Station, na humingi ng pera sa kaniyang ina ang biktima para bumili ng tinapay kasama ang dalawa pa niyang kapatid.

Pakaraan ng isang oras, bumalik ang dalawa nitong kapatid, pero hindi na nila kasama ang biktima, bagay na ipinagtaka ng kanilang ina.

Agad na hinanap ang batang babae pero makaraan ang ilang oras, nakita ang bata sa ilalim ng isang tower sa isang cell site.

Lumalabas sa imbestigasyon na may mga sugat sa katawan at pasa sa kanang mata ang biktima, na hinihinalang ginamitan ng matigas na bagay. Wala ring suot na short ang bata nang makita.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Allanic na may person of interest nang sinusundan hinggil sa pagkamatay ng biktima.

Ayon kay Allanic, madilim, maraming puno, at masikot ang ilalim ng cell site kung saan natagpuan ang bata.

Ayon naman sa ama ng biktima, umuwi ang kaniyang anak galing sa eskwelahan saka naglaro at naligo kasama ang apat pang mga kaibigan na kaniyang kaedaran.

Pag-uwi ng bata, humingi ito ng pera sa ina para bumili ng tinapay.

Dagdag ng tatay ng biktima, malapit lang ang kanilang bahay sa pinangyarihan ng krimen.

Isinasagawa na ang autopsy para matukoy kung ginahasa ang biktima. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News