Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang tatlong miyembro ng isang pamilya sa Zamboanguita, Negros Oriental matapos umano silang pagnakawan, ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes.

Batay sa report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ng mga biktima na sina Pedro Catalonia, 70, kanyang asawa na si Servana, 65, at anak na si Marites, 43.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, patay na nang maabutan ng anak na si Retchiel Catalonia ang kanyang kapatid at  mga magulang sa kanilang bahay sa Barangay Najandig nitong Miyerkoles.

Lumabas din sa imbestigasyon na pinagnakawan umano ang mga biktima ng mga hindi pa nakikilalang suspek saka pinagpapatay ang mga ito.

Natuklasan na wala na ang ilang mahahalagang gamit ng mga biktima, kabilang ang kanilang pera, ayon sa ulat.

Siyam na persons of interest naman ang iniimbestigahan ng mga awtoridad, dagdag nito. — Mel Matthew Doctor/RSJ, GMA Integrated News