Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng salarin na tumakas sakay ng motorsiklo sa Lingayen, Pangasinan. Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen pagkatapos kumain ng biktima ng lugaw sa isang karinderya.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Salvador De Guzman, 48-anyos, isang delivery boy ng mga isda.

Ayon sa pulisya, residente ng bayan ng Bugallon si De Guzman, at dumayo lang sa kalapit na bayan ng Lingayen kasama ang asawa para kumain umano ng lugaw.

Matapos kumain ng lugaw sa karinderya sa Barangay Dulag, lumabas umano ang biktima at doon na siya nilapitan ng salarin at pinagbabaril.

Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Ayon sa ulat, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima. Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon pa sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News