Isang miyembro ng LGBTQ community ang nilasing at pinatulog umano ng ka-meet up niyang lalaki sa isang motel sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Nang magising ang biktima, wala na ang kaniyang mga gamit na aabot sa P400,000 ang halaga.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Kevin Carlos, 22-anyos, residente ng bayan ng PeƱaranda sa nasabing lalawigan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nagkakilala at nag-chat ang suspek at ang biktima sa pamamagitan ng isang dating site.

Nagkasundo umano ang dalawa na magkita sa isang motel. Nang magkita, nag-inuman ang dalawa at nawalan ng malay ang biktima.

At nang magising ang biktma, wala na ang suspek, pati na ang mga gamit ng biktima na cellphone, pouch, at wallet na may pera.

Sa tulong airtag apple locator na nakalagay sa mamahaling bag ng biktima, natunton ang kinaroroonan ng suspek at naaresto.

Nabawi sa suspek ang mamahaling bag, airtag locator, at pouch na aabot sa P300,000 ang halaga. Pero  wala na umano ang cellphone na aabot umano sa P47,000 ang halaga, at ang wallet na nagkakahalaga ng P59,000.

Ayon sa pulisya, dati nang nabiktima sa katulad na modus ang biktima. Habang ang suspek, may katulad na kaso na rin sa kaniyang bayan sa PeƱaranda.

Sasampahan ng kaukulang reklamo ang suspek, na aminado sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA Integrated News