Iginiit ni Cagayan Governor Manuel Mamba na may pahintulot mula sa Commission on Elections (Comelec) En Banc ang paggamit niya sa pondo ng lalawigan upang mamahagi ng ayuda sa panahon ng May 2022 elections.

Ginawa ni Mamba ang pahayag kasunod ng desisyon ng second division ng Comelec na nagdidiskwalipika sa kaniya sa nakaraang gubernatorial race dahil sa paglabag umano sa spending ban.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, sinabi ni Mamba na humiling siya noon ng exemption sa Comelec para sa pamamahagi ng ayuda.

Aniya, mayroon umanong en banc resolution na inilabas ang Comelec na nagpapahintulot sa kaniyang kahilingan.

"Lockdown noon, may mga level tayo noon towards the election. Nag-level 1 pero before election, December, level 3. Takot na takot yung tao," ayon sa gobernador.

Itinanggi niya na ginamit niya sa vote buying ang ipinamahaging ayuda.

"Wala akong ibinigay in exchange for their votes," giit niya.

Natanggap na umano ng mga abogado ni Mamba ang letter of discualification ng Comelec at pinag-aaralan nila ang susunod na hakbang na kanilang gagawin.

Ang natalong kandidato sa pagka-gobernador na si Zarah Rose Lara, ang naghain ng reklamo sa Comelec laban kay Mamba.

Akusasyon ni Lara, nagsagawa umano ng vote buying activities si Mamba noong campaign period sa pamamagitan ng cash assistance distribution na gamit ang pondo ng kapitolyo sa ilalim ng programang "No Barangay Left Behind" (NBLB), "No Town Left Behind" (NTLB) at "Oplan Tulong sa Barangay."

Ginawa umano ito ng gobernador sa kabila ng temporary restraining order na inilabas noong 29 April 2022 ng Regional Trial Court Branch 5, Tuguegarao City, Cagayan.

Bukod pa umano sa pamamahagi ni Mamba ng P550 milyon mula sa provincial government sa ilalim ng "Krusada Kontra Korapsyon (KKK)."

Sinisikap pa na makuha ang komento ng Comelec at ni Lara kaugnay sa naging pahayag ni Mamba, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News