Mula sa 789 sinkholes na naitala sa Boracay Island noong 2018, lumitaw sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources-Mines Geosciences Bureau (DENR-MGB), na nadagdagan pa ito ngayong 2022 at umaabot na sa 815. Pero ayon sa alkalde ng Malay, Aklan, walang dapat ipag-alala ang mga tao.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang mga sinkhole ay nasa tatlong barangay ng isla.
Ang sinkholes ay karaniwan raw sa mga lugar na limestone ang pundasyon tulad sa Boracay. Kapag nauka ito sanhi paglindol o pagkawala ng tubig sa ilalim ng lupa, maaaring bumagsak ang istrukturang nasa ibabaw nito.
Ayon sa DENR, mahalaga ang masunod ang carrying capacity o ang bilang ng mga tao na kayang suportahan ng isla.
Ikinagulat naman ng lokal na pamahalaan ang ulat ng DENR-MGB. Hindi raw nila ito narinig noong nagkaroon ng rehabilitasyon ang isla sa loob ng anim na buwan noong 2018.
Ayon kay Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista, hindi dapat mag-alala ang mga tao tungkol sa mga sinkholes.
“Gaano ba kalaki ang mga sinkhole na ‘yan? Makakaapekto ba? Kasi matagal na ‘yung mga structure diyan. Never akong may narinig na report ever since, na mayroon sa Boracay… mayroong nag-crack dahil nga sa sinkhole,” ani Bautista.
Dagdag pa niya, may mga sinusunod daw na panuntunan sa pagpapatayo ng istruktura. Nagsasagawa umano ng soil boring test para malaman kung may butas sa ilalim o wala. Bawal din umano ang mga high-rise na gusali.
Kung kakailangan naman daw na magbawas ng tao sa isla para masunod ang carrying capacity, sinabi ni Bautista na tinitingnan nila na bigyan ng housing projects sa mainland ang mga nagtatrabaho sa Boracay para bawas bigat.
“Doon na sila manirahan. Kung halimbawa, bawas tayo ng let’s say 3,000 to 5,000 na mga maninirahan sa Boracay na nagrerenta ng bahay… ang kapalit niyan ay 5,000 tourists din,” paliwanag ng alkalde.
Tumanggi naman muna si Department of Tourism Secretary Christina Frasco na magkomento tungkol sa isyu.
“I’d like to defer my statement on that first to the DENR as well as the MGB as we await an official report from our regional office of the DOT,” pahayag ng kalihim.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News