Isang miyembro ng LGBTQ community sa Dumangas, Iloilo ang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa panghahalay umano sa pitong-taong-gulang na lalaking kamag-anak niya mismo. Ang dalawa, galing daw sa lamay.

Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, tinukoy ng Women and Protection Desk ng Dumangas Municipal Police Station (WPD-MPS) ang suspek na si alyas "Dagol."

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na December 10 nang mangyari ang pang-aabuso.

Mula raw sa isang lamay, dinala umano ng suspek ang bata sa isang lugar sa kanilang barangay at doon umano pinagsamantalahan.

Matapos nito, binigyan pa raw ng suspek ang biktima ng P100 at sinabihang na huwag itong magsusumbong.

Pero nagsumbong ang bata sa kaniyang mga magulang dala na rin ng sakit at traumang naranasan.

Ayon kay WCPO-Dumagas MPS assistant head Police Staff Sergeant Josebel Doromal, inireport sa kanila ang reklamo noong gabi ng December 11.

Nang ipasuri sa duktor ang biktima, nakita ang palatandaan na inabuso ang bata.

Isinailalim pa sa ibang medical examination ang biktima at hihintayin pa ang resulta nito.

Habang patuloy naman ang pagtugil ng mga awtoridad sa suspek, at inihahanda na ang isasampang reklamo laban sa kaniya. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News