Nagtamo ng sugat sa mga braso at paa ang isang mag-asawa matapos silang masalpok ng isang nakamotorsiklong menor de edad na nahuling nag-free hand o hindi hinahawakan ang manibela sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa CCTV ng Brgy. San Pablo ang pag-free hand ng menor de edad sa manibela bago mangyari ang insidente.

Hindi na nahagip pa ang pagsalpok ng menor de edad sa mag-asawang nakamotorsiklo sa isang kanto.

"Tumakbo kaya hinabol namin. Sinalubong namin sa kabilang kanto pero hindi pa rin huminto. Pinaharurot pa rin niya 'yung motor," sabi ni Crisante Custodio, kagawad ng Barangay San Pablo.

"Huwag ka munang umalis, sabi nila. Kaso binuwelta niya 'yung motor niya kaya hinabol ko at hinawakan 'yung motor pero tinuloy niya at hindi huminto kaya nahila ako," sabi ni Michael Foronda, lalaking biktima.

Ayon sa pulisya, na-turn over na sa DSWD ang menor de edad at titingnan pa ang pananagutan ng kaniyang mga magulang.

Hinikayat naman ng biktimang ginang na si Clarise Gatchalian ang mga magulang na pagsabihan ang mga anak na mag-ingat para hindi madamay ang ibang motorista.

Dagdag ng pulisya, posibleng kasuhan ang mga magulang ng menor de edad na dawit sa aksidente. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News