Sugatan ang isang 20-anyos na construction worker matapos siyang tagain habang nakikipag-inuman sa loob ng kanilang bahay sa Sto. Tomas, Batangas ng mga suspek na dayo lang umano sa lugar.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nangyari ang insidente sa inuupahang bahay ng biktima sa Barangay Santiago.
Ayon sa isa sa mga kasama ng biktima na si Albert Moreno, katatapos lang daw ng kanilang Christmas party nang umuwi sila sa bahay nito para ituloy ang kasiyahan.
Habang sila ay nag-iinuman, may biglang dumating na dalawang babae at dalawang lalaki sakay ng isang e-bike at tumigil sa harapan ng bahay.
“’Yung mga kasama ko, nagluluto ng ham. Nilagay ‘yan sa la mesa namin, pulutan. Eh, ako hindi kumakain ng ham, tumawa ang mga kasama ko. Akala ng babae sila ang tinatawan namin,” ani Moreno.
“Sigawan sila. ‘Yung lalaki bumaba. Kumuha ng itak tapos itong pintuan namin nakasara binuksan niya at initak ang kasama ko,” dagdag pa niya.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad, nahuli ang dalawang itinuturong babae na kasama umano ng mga suspek.
“Ini-interview po nila, hindi po nila sinasabi kung sino ang suspect 1 na itinatanggi nila ang pagkatao. Nakita naman po sa CCTV na sila ay magkakasama. At ‘yun po ang naging ground na ma-charge ng obstruction of justice,” saad ni Sto. Tomas City Police Station deputy chief Police Major Allan Nidua.
Pinaghahanap pa rin ng pulisya ang lalaking umanong tumaga sa biktima.
Tumanggi nang humarap sa kamera ang dalawang babaeng kasama ng mga suspek ngunit mariin nilang pinabulaanan na sangkot sila sa krimen. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News