Tatlong dolphins ang nakitang patay kamakailan sa mga karagatan ng Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing sa loob ng isang araw sunod-sunod na namataan sa baybayin ng Ilocos Sur ang mga dolphin.
May nakita sa bayan ng San Juan, Magsingal, Kawayan, Santa at Santa Maria.
Pero tatlong pygmy killer whale, isang uri ng dolphin, ang natagpuang patay sa bayan ng Kawayan at Santa.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), isa sa mga ito ay nakita ni Judiylex Aquino sa ilog malapit sa bakuna ng dagat.
Agad na dinala ang mga namatay na mga dolphin sa BFAR at isinailalim sa necropsy.
Isinailalim naman sa rehab ang mga na-rescue na dolphin.
“Hindi sila nakitaan ng major findings such as ‘yung mga deviation sana ng mga organs nila. Robust naman sila or we mean they are in good state. Good and nutrition nila, hindi sila namamayat,” saad ni BFAR Region I Veterinarian Hasmin Chongsayan.
Sinabi ng BFAR na posibleng sa pagkasadsad nakuha ng mga dolphins ang kanilang mga sugat.
Ayon pa sa ahensya, bihirang mamataan ang mga pygmy killer whale kung kaya't nakapagtataka raw ang pagsadsad ng mga ito sa baybayin ng Ilocos Sur.
Tinitingnang posibilidad ng BFAR sa insidente ay human activity sa dagat.
“This might possibly a cause of dynamite blast kasi of the same pod sila and considering that they have robust body. Maybe there is a disorientation, that’s the reason why pumapasok sila within sa shoreline natin,” ani Chogsayan. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News