Arestado ang dalawang lalaki na mga wanted sa kasong rape sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Antipolo.

Ang mga suspek, kapwa menor de edad raw ang mga biktima.

Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras”, sinabing inaresto ng Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MG) ang suspek na kinilalang si Sandie Lim.

Natunton ng mga awtoridad si Lim—na nagtatrabaho bilang isang pahinante—sa tambayan ng trailer trucks sa isang bahagi ng Barangay Mayamot Antipolo.

Si Lim ay wanted sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad.

“Iyong ating subject ay nakainom nu’ng mga panahon na ‘yun,” ayon kay Northern NCR PNP Maritime Group chief Police Major Robert Alvin Guttierez.

Ngunit giit ni Lim, “Hindi ko po talaga kagustuhan ‘yung nangyari po,”

Samantala, sa barangay San Roque naman nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 27-anyos na si Gabriel Philip Tacastacas. 

Hinuli si Tacastacas sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong 14 counts of rape.

“He is a suspect for rape of 14 counts. Ang punto po dito is matagal na natin siyang minamanmanan, for the past two years na po,” saad ni CIDG Major Crimes and Investigation Unit chief Police Lieutenant Colonel Emery Abating.

Aniya pa, menor de edad din ang biktima ni Tacastacas.

“Naloko po nitong suspek at dahil nga menor de edad. She was then 13 years old way back February 2020. So for the past two months, those times February to March 2020, du’n po ginawa ng suspek ang 14 counts of rape,” Abating.

“Naging girlfriend ko po. Humihingi po ang tawad. Kung anuman po nagawa ko sana mapatawad po nila ako,” pahayag naman ni Tacastacas. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News