Hinarang ng mga awtoridad ang karera ng mga kalapati sa Santa Maria, Ilocos Sur noong Linggo dahil sa banta ng bird flu.
Umaga sana noong Linggo gagawin ang nasabing karera, ayon sa ulat ni GMA Regional TV Live host Nikko Sereno sa Unang Balita nitong Martes.
Nasa 350 kalapati ang nasa isang truck nang abutan ng mga tauhan ng Ilocos Sur Animal Quarantine ng Provincial Veterinary Office, ayon sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One North Central Luzon.
Wala namang ordinansang ipinasa laban sa pagsagawa ng karera ng mga kalapati ngunit nag-iingat daw ang provincial government lalo na't may naitalang mga kaso ng bird flu sa mga karatig probinsiya.
"Ipinagbabawal kasi ngayon dahil iniiwasan natin 'yung avian influenza," ani Ogie Arañas, focal person ng Ilocos Sur Animal Quarantine.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga may-ari ng mga kalapati. —KG, GMA Integrated News