Sugatan ang tatlong lalaki sa isang compound sa Dagupan City, Pangasinan matapos pagsasaksakin ng suspek dahil umano sa maling pagkakalat ng maling impormasyon na tungkol sa kaniya.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ng pulisya ang mga biktima na nagtamo ng mga sugat sa katawan na sina Alin Kitalig, John Adrian Kitalig at Jarim Lagao, mga residente ng Barangay Malued,
“Itong suspek ay lumapit at may tinatanong siyang pangalan. It turned out bumalik siya, pagbalik niya, may dala na siyang kutsilyo without apparent reason sinaksak niya itong biktima,” pahayag ni Dagupat City Police Station chief Police Lieutenant Colonel Vicente Castor Jr.
Dinala sa ospital ang mga biktima para magamot ang tinamong mga saksak sa katawan.
Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Oliver Manaois, 27-anyos.
Ayon pa sa pulisya, tsismis o pagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa suspek ang isa sa tinitingnan motibo sa krimen.
“Isa sa mga biktima ay pinag-iisipan niya ‘yung mga kwento, may mga negative na kinukuwento against sa suspek,” dagdag pa ni Castor.
Giit naman ni Manaois, "Masama po ang loob ko kasi ‘yun nga po tulad ng pagpo-post po ako ang idinidiin… pumunta po ako du’n ‘yun nga po binugbog ako.”
Tumanggi nang humarap sa camera ang mga biktima pero itinanggi nila ang alegasyon ng suspek na binugbog nila ito.
Lasing daw ang suspek nang pumunta sa kanila at nag-trip umano itong manggulo.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek, ayon pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News