Walang kawala sa mga tunay na pulis ang isang lalaki na nagpapanggap umanong pulis upang makapangikil ng pera sa isang saklaan sa naglalamay sa Talisay, Batangas.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras,” nitong Lunes, sinabing dinakip sa loob ng isang convenience store ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang 43-anyos na suspek na si Arvin Lumarang Sumage.
“Hindi pala isang pulis at isa palang civilian na nagpapanggap lang para mangikil. Jobless daw siya ngayon, wala siyang hanapbuhay, pero dati siyang OFW,” saad ni PNP-IMEG director Police Brigadier General Warren de Leon.
Ayon sa PNP-IMEG, kulang ang perang pampalibing ng namatayan kaya nag-isip ang mga ito ng paraan para makalikom ng pondo sa pamamagitan ng saklaan.
“Mayroon daw lumapit sa kanya na nagpakilalang pulis, ito nga si Arvin Sumage, humingi sa kanya ng pera para daw hindi ipahuli [ang saklaan]," dagdag pa ni De Leon.
Pero paliwanag ng Talisay Police, pinapahintulutan naman ang saklaan basta’t susunod sa itinakda ng lokal na pamahalaan na mula 6 p.m. – 12 a.m. sa loob lamang ng limang araw.
Ngunit ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, bawal ang mga saklaan o anumang sugalan sa lamay dahil sa anti-illegal gambling law.
Wala pang pahayag ang suspek na nahaharap ngayon sa reklamong robbery extortion at usurpation of authority.
Inaalam pa rin kung magkano ang halaga ng pera na nakuha niya sa nagpapasakla sa lamay.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News