Hindi nagpatalo ang ilang mga lola sa paseksihan nang magsuot sila ng swimwear sa Super Lolo at Lola competition sa General Luna sa Quezon.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din ni Mav Gonzales sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, makikita ang mga lola sa kanilang swimwear bilang bahagi ng swimsuit competition para sa pagdiriwang ng Senior Citizens Month.
Sumabak din sa talent competition ang mga lolo at lola, na ibinida ang husay nila sa pagkanta at pagsayaw.
Ito ang unang beses na nagkaroon ng espesyal na programa ang LGU para sa mga senior citizens sa General Luna, na kanilang paraan para kilalanin ang naiambag sa lipunan ng mga lolo at lola.
Panalo ang lahat sa patimpalak na bukod sa mga hinirang na Super Lolo at Lola, nag-uwi rin ng cash prize kahit ang mga hindi pinalad na magwagi. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News