Maliban sa lechon, hindi dapat palampasin ng mga dumadayo sa Cebu ang masarap na delicacy na Linarang o nilaga sa gata at iba pang mga pampalasa. Ang isang restaurant doon, espesyal ang ginagamit na isda na tagotongan o porcupinefish.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! binisita ni Kuya Kim Atienza ang isang restaurant sa Pasil, Cebu City na 60 taon nang nakatayo.
Mula pa noong 1957, naghahain na ang mga magulang nina JR Garcia ng authentic na Linarang gamit ang tagotongan, isang uri ng isda na kayang palakihin ang katawan sa pamamagitan ng paglalagay ng hangin sa loob nito.
Isa itong uri ng puffer fish, na "fugu" naman ang tawag sa Japan. Kinakailangan ng espesyal na lisensya para ihanda ang ganitong klase ng isda.
"Noong natikman ko 'yung isda, ito ang pinakamasarap na isda na natikman ko sa buong buhay ko. Hindi ako nag-e-exaggerate," sabi ni Kuya Kim.
"Malinamnam, very milky, very oily, parang hindi isda ang kinakain mo. Malinamnam talaga," paglalarawan pa ni Kuya Kim.
Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang proseso ng pagluluto ng Linarang na tagotongan. — VBL, GMA Integrated News