Tinitignan ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakasangkot umano ng isang dating pulis sa pagdukot sa taong pinagsanlaan ng lupa sa Silang, Cavite, ayon kay QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III nitong Miyerkoles.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni Torres na lumalabas ngayon na hindi ang dating Navy na si Julian Paningbatan ang may-ari ng lupang sinanla kundi ang dating pulis.
“May lumabas na bagong twist ngayon. It appears na hindi siya (Paningbatan) ang may-ari kundi siya ay ang middleman. Siya ang nautusan ng may-ari na magbenta ng lupa na yun,” ani Torres.
“Ang may-ari ay itong ex-police natin. Tutugusin na naman natin ito ng panibagong anggulo sapagkat there's a possibility na hindi lang ito ang unang pagkakataon na ginawa nila,” dagdag pa niya.
Nakipag-ugnayan na raw ang QCPD sa nasabing dating pulis, na itinanggi raw na may kinalaman siya sa pagdukot.
Lumabas sa unang ulat na si Paningbatan, na nakakulong ngayon sa Camp Bagong Diwa dahil sa kasong pagpatay, ang itinuturing na mastermind sa pagdukot.
Nitong Lunes, pumunta ang biktima na si Jay Quinones kasama sina Mario Esio, Angelica Nibungco, Dexter Timbas para tignan ang sinasanlang lupa sa kanya ni Paningbatan.
Nakapagbigay na ng P700,000 si Quinones para sa lupang nagkakahalagang P4.5 na milyon, ayon kay Torres,
Inalok daw ni Paningbatan si Quinones na bayaran na ang natitirang halaga ng lupa sa gitna ng kanyang problema matapos mapatay niya ang kanyang dating nobya at dalawang iba pa, dagdag pa ni Torres.
Sinabihan daw ni Paningbatan sina Quinones na daanan ang dalawa niyang kasama sa Tondo, Manila, at Bicutan at isakay sila papunta sa lupa sa Silang.
Pagdating nila sa sinasanlang lupa, naabutan daw ng mga biktima ang dalawa pang lalaki.
Ginapos daw ng mga suspek ang mga biktima at hinahanap ang bag na may pera, ngunit nasa P20,000 lamang perang dala ng biktima.
Gamit ang mga sasakyan ng mga biktima, pinaikot-ikot daw sila ng mga lalaki mula Cavite ng halos 10 oras hanggang sa makarating sila sa Balintawak.
Habang nasa loob ng sasakyan, nakatakas daw sa pagkakatali ang ilan sa mga biktima at ginulpi umano ang mga suspek.
Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sina Jose Rea at pinsan nitong si Mateo Ramos.
Ayon sa QCPD nitong Martes, mga kasong kidnapping/illegal detention, grave coercion, carnapping, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa laban sa mga suspek.
Sinabi ni Torres na naisampa na ang rekalamo laban sa mga suspek. —KBK, GMA Integrated News