Dead on the spot ang isang 40-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng kaniyang nakababatang kapatid sa Calatagan, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Edicon Obrador habang suspek naman ang 32-anyos na si Herman Obrador.
Tinaga ni Herman si Edicon sa labas ng kanilang bahay Barangay Paraiso, ayon pa sa ulat.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagtamo ng taga sa kanang bahagi ng ulo ang biktima na agad nitong kinasawi.
Na-recover sa lugar ang itak na ginamit ng suspek sa pananaga.
“Nagsumula ‘to sa naggulo ng pag-iinuman tapos nagka-mayroon sila ng hindi magandang pag-uunawaan or pag-uusapan na nangyari sa pananaga sa kapatid,” pahayag ni Calatagan Police Station chief Police Major Von Eric Gualberto.
Tinitingnan din anggulo ng pulisya ang umano’y paggamit ng ilegal na droga ng magkapatid na maaaring nag-udyok sa krimen.
“The suspect and the victim po is one of the drug personalities sa bayan ng Calatagan sumuko na rin naman po sila years ago,” Gualberto.
Sumuko si Herman matapos isagawa ang krimen at kasalukuyang nakapiit sa Calatagan Police Station.
Nakatakdang sumailalim sa drug test ang suspek at kung sakaling magpositibo ito sa eksaminasyon sasampahan ito ng panibagong kaso.
Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at suspek. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News