Sa likod ng katahimikan, nababalot ng kababalaghan ang isang bukid sa isang sitio sa Batangas, dahil sa mga elemento na nagpaparamdam at nanggugulo umano. Kabilang na rito ang tinig ng mga yabag, na nagmula umano sa isang tikbalang.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" sinabing sa Sitio Batang sa Barangay Kaylaway na lumaki ang 21-anyos na si Jerico Riva, na nasanay na sa tahimik na paligid at kagubatan.
Gayunman, nababagabag siya sa tila ingay sa kaniyang paglalakad araw-araw.
"Kapag ako ay nagkukumpay ng baka, nakakarinig ako sa mga ilog, sa mga puno, sa mga daan ng mga yabag ng kabayo, nakakakita ng mga itim na anino, ingay ng mga maliliit na bata, mga puting tao na hindi naman talaga tao sa lupa," sabi ni Jerico.
"Merong yabag ng kabayo, na parang sinusundan ako hanggang makauwi ako. Pasado 12 ng gabi noon," dagdag pa ni Jerico.
Noong bata raw siya, minsan niya na ring naramdaman at narinig sa ilog ang kabog ng kabayo.
Nagbahagi rin ang iba pang residente sa sitio ng kanilang hindi maipaliwanag na karanasan.
"Mararamdaman niyo talaga na meron, parang kikilabutan ka, o nagpaparamdam talaga. Kaso 'yung mga nandito ay kaibigan namin ay 'yun ay mababait," sabi ni Rico Alegre.
"Parang may sumusunod na naglalakad sa hulihan ko po. Minsan na lang parang may lalampas sa iyong malaking ibon," ayon naman kay Jonalyn Matalog.
"Ako'y itinago na ng tikbalang. Paglakad ko, hinahawakan ko 'yung mga pader na malalaking puno na may ugat. Lagi na akong hindi makauwi ng bahay. Pabalik-balik lang ako... Paikot-ikot lang ako doon sa may puno," sabi ni Celso Matalon.
Bukod sa tikbalang umano, meron ding babaeng nagpapakita sa lugar.
Nang bisitahin ni paranormal researcher na si Ed Caluag ang bukid, may amoy na siya na tila mapanghi, na palatandaan na may elemento umano na tikbalang.
Hanggang sa naramdaman ni Ed na may sumusunod sa kanya, at narinig ang kaluskos na humahakbang sa tuwing siya rin ay humahakbang.
Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang yabag ng tikbalang umano na narinig sa camera, pati na rin ang isang bata na nagkita kina Ed at Jerico. —LBG, GMA Integrated News