Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at pag-aaral sa posibleng motibo sa ginawang pananambang at pagpatay sa presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa bayan ng Lemery, Batangas nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog ngayong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV video na makikita ang ginawang pagsunod ng riding in tandem sa 59-anyos na biktima na si Enrico Renwick Razon.
Sa video, nakitang pumasok ang minamanehong SUV ni Razon sa Barangay Road Ayao-iyao, at nakasunod sa kaniyang ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Mahigit 30 segundo lamang, lumabas na ang mga suspek sakay ng motorsiklo sa highway at mabilis na tumakas sa direksyon ng Calaca City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Batangas, nakuha na nila ang motorsiklong ginamit pero wala umano itong record sa Land Transportation Office.
“Initially kasi parang walang identity, wala raw record sa LTO pero sabi naman ng HPG kapag wala du’n sa planta kayang i-assert ‘yung may-ari talaga,” pahayag ni Batangas Police Provincial Office director Police Colonel Pedro Soliba.
Bukod sa pulitika at negosyo, tinitingnan na rin ngayon ng PNP ang anggulong love triangle sa nangyaring krimen.
“May dati siyang kinakasama… matagal nang hindi nagsasama nasa Antipolo, may iba naman siyang live-in-partner na kinakasama ngayon, the previously may iba din siyang dating kinakasama,” dagdag pa ni Soliban.
Samantala, pinatutukan na ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa kapulisan ang imbestigasyon sa pagpatay kay Razon.
Naniniwala naman ang lokal na pamahalaan ng Lemery na agad mareresolba ng PNP ang kaso.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News