Mahigit 600 pamilya ang nawalan ng tirahan sa mala-impiyernong sunog na naganap sa Sitio Paradise, Barangay Looc sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Nikko Serreno sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing gabi ng Martes nang nangyari ang sunog, at inabot ng 2:00 am ng Miyerkules nang ganap na maapula ang apoy na umabot ng ika-apat na alarma.
Naging mabilis umano ang pagkalat ng apoy dahil sa dikit-dikit ang mga bahay, at gawa sa light materials ang karamihan.
Halos walang naisalbang gamit ang mga tao na nagmadaling umalis ng kani-kanilang bahay upang makaligtas.
Kaniya-kaniyang puwesto naman sa magkakaibang lugar ang mga bumbero dahil sa lawak ng sunog.
Nang lumiwanag na, tumambad ang lawak ng pinsala ng sunog na tumupok sa halos buong Sitio Paradise.
Humingi naman ng paumanhin si Raynaldo Devilleres, ang may-ari ng bahay na sinasabing pinagmulan ng sunog.
Wala umanong kuryente sa bahay ni Devilleres at posibleng ang gasera na may sindi ang pinagmulan ng sunog.
Nasa kostudiya ng pulisya si Devilleres habang naghihintay kung may masasampa ng kaso laban sa kaniya.
Sa tala ng City Social Welfare Services, mahigit 2,000 katao ang apektado sa sunog.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan na tutulungan ang mga residenteng nawalang ng tirahan dahil sa naturang sunog.--FRJ, GMA Integrated News