Naputulan ng paa ang isang rider nang aksidenteng sumabit sa bumper ng palikong jeep sa isang highway sa Lipa City, Batangas.
Ang biktima, halos 50 metro pa raw napaandar ang kaniyang motorsiklo bago ito huminto at matumba.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Frederick An, residente ng Santo Niño Taysan, Batangas.
Makikita sa kuha CCTV camera ang pagliko ng jeep sa kahabaan ng JP Laurel Highway na sakop ng Barangay Bugtong na Pulo.
Sapul din sa CCTV camera ang paglusot ng motorsiklo ni Frederic sa nagmamaiobrang jeep.
Ayon sa pulisya, may 50 metro pang-pinaandar ng biktima ang kaniyang motorsiklo nang bigla itong huminto.
Bumaba ang angkas ni Frederic at biglang siyang natumba kasama ang kaniyang motorsiklo dahil naputol na pala ang kaniyang kanang paa.
“The jeepney was already at the middle of the road. Medyo mabilis lang ang takbo ng ating motorsiklo kaya hindi siguro siya nakapag-preno agad at wala siyang option kundi iwasan ‘yung jeep,” saad ni Lipa City Police Station chief Police Lieutenant Ariel Azurin.
Unang rumesponde ang City Disaster Risk Reduction Management Office sa lugar at agad na nilapatan ng paunang lunas ang biktima at saka dinala sa ospital.
Base sa imbestigasyon, pauwi na raw sana ang biktima matapos sunduin ang kaniyang nobya sa pinagtatrabahuhan nito sa Lipa City.
Ngunit hindi raw napansin ng drayber ng jeep na paparating ang motorsiklo.
“Nasa middle na kasi siya eh. So hindi niya napansin na may humahabol na motorsiklo para makalusot. Medyo mabilis nga rin ng datin. Nalaman na lang ng ating jeepney driver nu’ng nag-iimbestiga na ang ating kapulisan, siya ay kusang sumuko,” saad ni Azurin.
Nakatakda na raw sana ikasal si Frederick at ang kaniyang nobya sa susunod na buwan, ngunit dahil sa pangyayari baka hindi na raw muna ito matuloy, ayon pa sa ulat.
“Hinihingi talaga namin ang tulong. Talaga naman itong family itong, walang-wala talaga, kaya kami ay nakikiusap. Pero as of now pinagpupulungan pa po namin,” sabi ni Veronica An, kaanak ng biktima.
“’Wag na lang po silang mag-comment sa social media na mali kasi hindi rin naman po makakatulong sa kapatid ko at hindi naman po nila alam ‘yung buong pangyayari,” giit ng kapatid ng biktima na si John Cline An.
Sinabi naman ng kaanak ng biktima na inilibing na nila sa isang sementeryo ang naputol na paa ni Frederic.
Sinagot na rin daw ng drayber ng jeep ang pagpapagamot kay Frederic.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makunan ng pahayag ang drayber ng jeep ukol sa insidente. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News