SAN ANDRES, Quezon - Nagpapagaling ngayon sa pagamutan at inoobserbahan ang kalagayan ng apat na magkakapatid na babae sa bayan ng San Andres, Quezon matapos silang tamaan ng kidlat pasado alas-sais nitong Lunes ng gabi.
Kuwento ng Tatay ng mga biktima, kumakain sila ng hapunan nang biglang mawalan sila ng kuryente.
Kinuha raw ng isa niyang anak ang kanyang cellphone at ginamit ito bilang flashlight.
Ilang saglit lang ay nakaranig sila ng kulog kasabay ang malakas na liwanag na tumama sa kanilang bahay.
Walang malay na bumulagta sa lupa ang apat na magkakapatid habang hindi naman tinamaan ang kanilang ama.
Humingi ng tulong sa kapitbahay ang ama at kaagad na isinugod sa pagamutan ang apat na magkakapatid.
Kasalukuyang nasa pagamutan pa ang magkakapatid na nakararanas raw ng hirap sa paghinga at pananakit ng katawan. —KG, GMA Integrated News