Isang lalaki sa Camarines Sur ang nalunod sa ilog matapos habulin ang nahulog na envelope na naglalaman ng payout mula sa 4Ps, ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa Unang Balita nitong Martes.
Tatlong araw nang pinaghahanap ang 40-anyos na biktimang si Jobette Galietos bago siya natagpuang palutang-lutang sa Bicol River sa bayan ng Libmanan.
Ayon sa report, Nov. 17 nang magtungo si Galietos sa Sipocot kasama ang kaniyang pamilya para mag-withdraw ng pera mula sa programang 4Ps.
Habang pauwi at nasa gitna ng PNR bridge ang sinasakyan nilang trolley, biglang nahulog ang envelope na dala ng biktima na naglalaman ng pera at mga dokumento.
Dahil dito, napilitang tumalon sa ilog ang biktima pero hindi na siya nakaahon.
Posible raw na natangay ng malakas na alon ang biktima dahil malakas ang ulan nang araw na iyon. —KBK, GMA Integrated News