Trending online ang isang grupo ng kabataan matapos nilang sirain ang dekorasyong pampasko sa Cordova, Cebu. Ang mga kabataan, lasing umano.

Sa ulat ni Lou Anne May Rondina ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa video ang mga dekorasyong pampasko at makukulay na ilaw sa Barangay Cogon.

Ngunit ang ilan sa mga dekorasyon, parang prutas na pinitas ng grupo ng mga kabataan sa lugar.

Itinumba rin ang ng poste na pinalilibutan ng makukulay na ilaw at hinigain pa ang Christmas tree sa harap ng barangay hall.

Batay sa imbestigasyon ng Cordova Police, anim na magkakaibigan na nakainom umano ang kumuha ng video.

Sumuko raw ang magbabarkada kahapon ng umaga at humarap sa kapitan ng barangay at sa hepe ng Cordova Police para humingi ng tawad.

“Malaki po ang aming nagawang kasalanan kaya humihingi po ako ng sorry, paumanhin po sa aking nagawang kasalanan,” anang isa sa grupo.

Ayon sa mga awtoridad, hindi na raw kinasuhan ng Barangay Cogon ang mga kabataan dahil malapit na ang kapaskuhan.

Pero inutusan sila na ayusin ang mga sinirang dekorasyon. Nakatakda rin silang tumulong sa paglalagay ng dagdag na Christmas decorations sa bayan.

“If possible we can make upgrade that and yes we truly apologize for all our sins,” sabi pa ng isa sa mga kabataan.

Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang publiko na magkaroon ng kontrol sa sarili kapag umiinom ng alak.

“Kung sa tingin natin, lasing na tayo, tapos hindi na natin ma-control ang ating sarili kung lasing tayo, huwag na lang tayo iinom. Sa bahay na lang iinom," sabi ni Cordova Police Station chief Police Major Michael Gingoyon.

Nagpaalala rin siya na huwag bastusin ang mga Christmas decorations na simbulo ng kapaskuhan at pag-asa.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News