Nabalian ng buto ang isang babaeng senior citizen at kailangan ng major operation matapos siyang maatrasan ng pickup habang nakatayo sa isang sidewalk sa Cagayan de Oro City.

Ang drayber ng pickup, umalis lang sa lugar nang parang walang nangyari.

Sa ulat ng GMA News Feed, kinilala ang 71-anyos na biktima na si Genoveva Buagas, na nabalian ng pelvic bone dahil sa insidente.

Makikita sa isang video ang pagtumba ni Buagas sa sidewalk, subalit walang bumaba mula sa sasakyan at agad na umalis.

Isang saksi ang nagmagandang loob na tumulong sa matanda na tila hindi na makatayo.

Ayon sa anak ng ginang na si Chilla Talibong, na-confine si Buagas sa Northern Mindanao Medical Center at P150,000 ang kailangan para sa kaniyang surgery.

“Akala ko ok pa kasi nakakaupo pa siya tapos sabi ng doktor kapag gumagalaw, the more na mada-damage ang kaniyang buto. Ang advice ng doktor, kailangan siyang maoperahan,” ani Talibong.

Nanawagan naman ang pamilya sa driver ng pickup na sumuko na at tumulong sa pagpapagamot ng biktima.

Kumikilos na rin ang Traffic Unit ng CDO Police para matunton ang may-ari ng sasakyan.

Ayon pa sa mga awtoridad, may nakuha na raw silang plate number para mahanap ito.

“Nanawagan ako sa may-ari ng pickup na makipagtulungan, na pumunta siya sa istasyon o sa Agora Police Station o hindi kaya ay sa Traffic Enforcement Unit para matulungan niya ang ginang na naatrasan,” pahayag ni Patrolman Jay-ar Caina ng Agora Police Station. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News