Nasawi ang isang pulis matapos sumalpok ang sinasakyan niyang motorsiklo sa nagkabanggaang truck sa Taal, Batangas.

Sa ulat ni Denice Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, kinilala ang biktima na si Police Top Sergeant Mark Cueto.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Cueto na siyang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Naisugod pa ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival, ayon pa sa ulat.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi raw napansin ni Cueto ang dalawang truck na nauna ng nagkabanggaan sa kaniyang daraanan.

“Habang nag-aayos po itong mga driver ng vehicle 1 at vehicle 2 eh paparating itong motorcycle na sinasakyan ng pulis. ‘Di umano sabi nu’ng mga driver ay pilit nilang hinaharangan ay ewan kung napansin nagtuloy-tuloy ‘yung motorcycle ng pulis nabangga niya ‘yung truck na nakahimpil doon sa may kalsada,” saad ni Taal Municipal Police Station chief Police Major Dante Majadas.

Labis naman ang hinagpis ng naulilang asawa ng biktima.

“Kahit anong oras siyang umuwi hintayin at hihintayin ko siya para sabay kaming mag-breakfast. Tapos every meal kapag day off siya, dapat sabay kaming kakain,” pahayag ni Eugene Cueto. -Mel Matthew Doctor/NB, GMA News