Nasawi ang isang lalaking 24-anyos na rider nang mabangga ang sinasakyan niyang motorsiklo ng delivery van sa Malvar, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jefferson Avila, na nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Avila na nagtatrabaho bilang isang site engineer.

Ayon sa ulat, pauwi na sana ang biktima sa kaniyang bahay nang masalpok siya ng kasalubong na delivery van sa Barangay San Fernando.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing napunta ang van sa kabilang linya ng kalsada dahilan para mahagip ang motorsiklo ng biktima.

“Ayon po du’n mismo sa suspek, nalaglag po ‘yung isang bagay doon po sa sasakyan kaya kinuha po niya ‘yun accidentally po na-swerve po ‘yung manibela sa kaliwa,” pahayag ni Malvar Police Station chief Police Major Jonathan Amutan.

Dagdag ni Amutan, may nadamay pa raw na gate ng isang bahay, poste ng kuryente at salamin ng isang sasakyan dahil sa banggaan.

‘Yung atin pong driver mismo na si Arnel Tinio then ‘yun nga po inaantok siya ang atin naman pong suspek mismo ang pumalit. Siya po’y helper lang ‘yung atin pong suspek, which is pumalit nga po dito dahil inaantok,” ani Amutan.

Kinasuhan na ang suspek ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Nakikipag-ugnayan pa ang GMA Regional TV Southern Tagalog sa pamilya ng biktima para sa kanilang pahayag. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News