Agaw-pansin ang isang Christmas tree sa General Trias, Cavite na puno ng mga nakasabit na palamuti na mga pirasong papel kung saan nakasulat ang mga kahilingan ng persons deprived of liberty o PDLs.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na ini-report sa Unang Balita nitong Miyerkules, ang animo'y simple lamang na Christmas tree ay tinaguriang "wish tree'' ng mga inmate sa General Trias City Jail.
Ayon sa ulat, nakasabit dito ang mahigit 1,000 piraso ng mga papil kung saan nakasulat ang mga simpleng hiling ng PDLs ngayong Pasko -- tulad ng tsinelas, tsokolate, pagkain, at iba pa.
Ayon kay jail Chief Inspector Aris Villaester, ikatlong taon na niyang ginagawa ang inisyatibang ito upang magbigay ng kasiyahan sa mga inmate.
Nagsisimula na rin umanong bumuhos ang mga regalo na katuparan ng mga hiling ng mga PDL, mula sa ilang mga kumpanya at iba't ibang mga tao. —LBG, GMA Integreated News