Inilikas ang 23 na pamilya sa Barangay Guindaruhan sa Minglanilla City, Cebu dahil sa lumalaking mga bitak ng lupa na kinatitirikan ng ilang mga bahay.
Ayon sa report ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkule, pinuproblema ng mga residente ang lumalaking mga bitak ng lupa na unang naobserbahan noong huling bahagi ng nakaraang taon.
Pahayag ng mga residente, ang dating dalawang pulgada na bitak ay umabot na ngayon ng 24 pulgada.
Ayon sa mga awtoridad, ang malakas na pag-ulan noong Oktobre 2021 ang dahilan ng mga bitak ng lupa, kaya delikado umanong manatili ang mga residente sa lugar dahil posibleng magka-landslide doon.
Pero ilan sa mga residente ay piniling manatili pa rin dahil hindi raw maiwan ang kanilang kabuhayan at kanilang mga alagang hayop.
Bumalik din sa lugar ang dating mga nagsilikas dahil gumanda na umano ang panahon.
Dahil dito, mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad ng lokal na pamahalaan sa mga residente sa lugar.
Pinag-aaralan na umano ng LGU ang mga posibleng solusyon upang maiwasan ang disgrasya. —LBG, GMA Integrated News