Natagpuang patay sa kwarto ng kanilang bahay ang dalawang magkapatid na mga batang babae sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sa ulat ng Unang Balita batay sa report ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing umamin ang amain ng mga bata sa krimen matapos mahuli ng mga pulis sa Cotabato.

Napag-alamang nasa abroad ang ina ng mga bata, na nakarilasyon ng suspek na si alyas Jan-Jan.

Nakilala lamang umano ng suspek ang ina ng mga bata sa pamamagitan ng social media at hindi pa sila nagkikita sa personal.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na may hindi pagkakaunawan ang suspek at ang ina ng mga batang babae.

At ayon sa suspek, napagbuntunan lamang umano ng galit kaya pinagsasakal niya ang mga ito.  

Inamin din ng suspek na balak umano niyang gahasain ang mga bata pero hindi na niya itinuloy.

Isasailalim sa awtopsiya ang labi ng mga bata.

Mahaharap sa patung-patong na kaso ang suspek. —LBG, GMA Integrated News