Anim na estudyante ang muntikan na umanong madukot ng mga lalaking sakay ng puting van sa Calasiao, Pangasinan. Ang mga awtoridad, pinabulaanan naman ang insidente.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing takot at pag-aalala ang nararamdaman ng isang ina para sa kaniyang tatlong anak matapos silang tangkaing dukutin sa harapan mismo ng Nagsaing Elementary School.
Ayon sa nanay, pauwi na raw ang kaniyang tatlong anak, kasama pa ang tatlong estudyante, nang bigla raw silang hintuan ng puting van.
Aniya, tatlong lalaki ang bumababa mula sa loob ng naturang van.
Dito na raw muntikang mahatak ng mga lalaki sa loob ng van ang kaniyang bunsong anak.
“Naghilahan sila. ‘Yung anak ko sinipa niya ‘yung lalaki kaya nabitawan niya itong bunso kong anak. Pinatakbo niya po,” salaysay ng ina.
“Nang pinatakbo niya po, hinila niya po ang anak ko likod. Ngayon po sinipa niya ulit kaya po nakawala… nanginginig na po sila at iyak ng iyak. Eh mayroon pong concerned citizen [na nagsabing] pasok kayo dito, dun sa canteen po,” aniya pa.
Agad naman na-report sa barangay ang insidente.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang barangay council sa tanggapan ng paaralan.
“Agarang din natin nakipag-coordinate sa Nagsaing Elementary School. Kinausap namin ang principal at sinabihan namin sila na hindi naman totally ‘yung confirmation ang pangyayari,” saad ni Barangay Nagsaing Chairman Jose Paris Jr.
Isasailalim naman sa counseling ang mga estudyante dahil sa trauma dulot ng insidente.
Upang maiwasang maulit ang insidente, agad na nagpatupad ng ‘no sundo, no uwi’ policy ang pamunuan sa eskwelahan.
“Para maprotektahan naman ang mag-aaral dito sa Nagsaing Elementary School. Actually, kahapon ‘yung mga advisers pinagsabihan ko na sila na i-relay na nila sa kanilang group chats upang sa ganon mapagsabihan na ang kanilang mga magulang,” ani Cristina Latonio, principal ng eskwelahan.
Samantala, pinabulaanan naman ng Calasiao Philippine National Police na may nangyaring pagtangkang pagdukot sa anim na estudyante.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon nila sa insidente.
“Noong na-verify namin sa LTO, isa siyang rent a car kasi kung alleged abduction ‘yun, gagamit sila ng ibang plate number, pero ‘yun mismo ‘yung nakita na van na plate number ay ‘yun din mismo ang nakuha natin,” sabi ni Calasiao Police Station officer-in-charge Police Lieutenant Colonel Junmar Gonzales.
Pinaalalahanan naman ni Gonzales ang publiko na iwasan ang pagkalat ng maling impormasyon upang hindi ito magdulot ng takot sa mga residente.
“Tingnan nila ‘yung maaapektuhan na mga citizens kung tama ba o hindi na mag-post sila ng walang katotohanan,” aniya pa. -Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News