Arestado ang isang lalaki na gumahasa umano sa isang babaeng siyam na taong gulang sa palikuran ng evacuation center sa Zamboanga City. Ang biktima, binigyan daw ng P50 ng suspek.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Alan Abenejo, 46-anyos, residente ng Barangay Tumaga.

Mariing itinanggi ni Abenejo ang paratang at sinabing wala siya sa evacuation center nang araw na mangyari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na kasama ng biktima ang kapatid nito na nagpaiwan sa evacuation center.

Lumapit at nagpasama raw sa dalawang bata ang suspek sa palikuran at doon ginawa ang pagsasamantala sa biktima.

Binigyan pa raw ng suspek ang biktima ng P50.

Matapos ang insidente, nagsumbong sa kaniyang guro ang biktima, at inireport nila sa pulisya ang pangyayari kaya inaresto ang suspek.

Sa isinagawang medical examination sa biktima, nakitaan umano ang bata ng slight laceration at seminal fluid sa maselang bahagi ng katawan.

Sasampahan ng kasong rape ang suspek, habang paiigtingin naman ng pulisya ang pagbabantay sa mga evacuation center.--FRJ, GMA Integrated News