Sugatan ang isang Grade 11 student matapos siyang saksakin umano ng kapuwa niya estudyante sa loob ng kanilang paaralan sa Vigan City, Ilocos Sur. Ang suspek, isang Grade 9 student na menor de edad.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pananaksak sa school grounds ng Ilocos Sur National High School.
Kinilala ang 20-anyos na biktima na si Mark Shane Sabado.
Apat na saksak ang tinamo ng biktima na maayos na ang kalagayan matapos sumailalim sa operasyon.
Bago ang pananaksak, sinabi ng pulisya na may isang estudyante ang binugbog na nagtawag naman ng "resbak," na kinabibilangan ng biktimang si Sabado.
Nagkaharap daw ang mga sangkot sa school grounds at saka nagsuntukan hanggang sa masaksak ang biktima.
“Ang sa kaniya po [suspek], parang talagang nabubugbog na siya. ‘Yung binubugbog na siya, ‘yung kutsilyo niya po parang winasiwas na lang niya. So parang hindi siya nakipagharapan na sinaksak yung tao,” saad ni Vigan Police Station deputy chief Police Major Darwin Julian.
Samantala, desidido naman magsampa ng kaso ang kaanak ng biktima.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang kaanak ang suspek, na nakatakdang dalhin sa Department of Social Welfare and Development dahil menor de edad.
Mariing naman kinondena ng pamunuan ng paaralan ang insidente.
“Puwede na siyang ma-dismiss dahil isa na ‘yan attempted murder. Ang ginawa niyang ‘yun, ang bata niya eh, grade 9, pero nagawa niya ‘yun. We condemn that kind of isolated case. We will do our best to keep our learners safe,” pahayag ni Edith Bagcal, principal ng ISNHS.
Ayon pa kay Bagcal, magsasagawa sila ng imbestigasyon at mas paiigtingin pa ang seguridad sa loob ng paaralan.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News