Sugatan ang 12-anyos na batang nangangaroling matapos mabundol ng SUV sa Pangasinan. Ang bata, patuloy pa ring inoobserbahan sa ospital dahil sa mga tinamong sugat.

Sa eksklusibong ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon, makikita sa isang amateur video ang biktimang si John Rey Flores na duguan at nasa tapat ng gulong ng SUV.

Ang insidente, nangyari sa kahabaan ng Barangay Tapuac, Dagupan City.

Ayon sa pamunuan ng barangay, aksidenteng nabundol ng SUV ang bata habang tumatawid sa kalsada.

“Nahigip siya ng sasakyan kaya nagkaroon ng injury. So, dun mismo nilapatan ng first aid tapos dinala sa ospital. Hindi ko alam kung may fracture ho iyon,” pahayag ng barangay chairman Dr. Nelson Cuison.

Sinabi ni Romeo, kapatid ng biktima, nangaroling si John Rey kasama ang ilang kaibigan para makaipon ng pambili ng gamit sa eskwela.

“Hindi namin alam na mag-caroling siya. Nang malaman namin na nasagasaan na siya, nabigla kami. Nagtitipon ang kapatid ko bibilhin niya ay papel tapos notebook para maka-aral siya,” aniya.

Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang bata dahil sa mga tinamong mga sugat.

Nakatakda namang mag-usap sa barangay ang drayber ng SUV at pamilya ng biktima.

“Siya ang magsagot ng bayad [drayber ng SUV]… at saka lahat ng gastusin sa kanya para magamot,” saad ni Mario, tiyuhin ni John Rey. —Mel Matthew 
Doctor/NB, GMA News