Balita-balita kamakailan sa Burias Island, Masbate na mayroon daw nananahang higanteng uod sa taas ng puno ng Bangkal. Para makumpirma ang balita, isang lalaki ang nangahas na akyatin ang puno.
Ang team naman ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nagpalipad din ng drone camera.
Sa nakaraang episode ng “KMJS”, sinabi ng mangingisda at uploader ng video na si Crispin Rocellosa na halos isang dipa ang haba ng uod.
“Nagulat po talaga ako sa nakita ko po na hugis uod siya. Mabalahibo siya. Mayroon siyang parang bunganga tapos mukha talaga siyang linta na napakalaki,” aniya.
Nang lumipat ng pwesto si Crispin at nag-zoom-in ng camera, dito na daw nila nakuhanan ng mas maayos ang kinakatakutan sa kanilang bayan.
“Sabi ko mga yabang-yabang lang ng iba tao. Nung napuntahan namin ngayon, napatunayan ko talaga na isa talagang napakalaking uod,” giit pa niya.
Gayunman, inamin ni Crispin na hindi siya sigurado na uod ang kanilang nakita dahil nasa mataas na bahagi ito ng puno.
Samantala, hindi lang daw si Crispin ang nakakita at nakapag-video ng pinag-uusapang nilalang sa isla. Isa na sa mga ito si Kenneth Butal.
Kuwento ni Kenneth, may nag-chat daw sa kanya na may uod na kasing-laki ng tao sa nasabing puno. Dito na siya nagpasya na i-verify ang balita.
At para magka-alaman kung totoong may higanteng uod, inakyat ng isang kasamahan ni Kenneth ang puno.
Pagkababa ng lalaki, sinabi niyang hindi naman daw uod ang nasa puno. Ngunit, ito raw ay pukyutan o pinagkukunan ng honey.
Siniyasat na rin ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Burias Island ang lugar.
Samantala, ipinaliwanag ng Botanist na si Wally Suarez na magkaiba ang uod sa bulate. Aniya pa, wala pa raw nakikitang higanteng uod sa Pilipinas.
“Kapag sinabi nating uod, ito ay mga larva ng insekto. Iba ‘yung uod sa bulate. Yung bulate wala silang paa, ang uod mayroon silang paa. Ang giant earthworm is nasa Victoria sa Australia,” pahay ni Suarez.
“Dito sa Pilipinas wala pang nakikitang ganon. Kung mayroon talagang malaking uod na ganon, dapat matagal nang nadiskubre 'yan. Kung halimbawa may nakita kayong uod pinakamaganda ay huwag niyo na lang hawakan kasi ‘yung mga uod kapag ganyan kalaki yan usually mayroon silang balahibo. Yung balahibo na ‘yun for defensive purposes,” dagdag pa niya.
Diin naman ni Kenneth, “Lesson po para sa lahat na kung may ganyan balita na ‘wag agad maniwala. Sa halip, i-verify ito kung gaano katotoo, sino ang source ng information na ‘yun kasi nagpa-panic ‘yung tao.” -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA News