Umakyat na sa 24 ang naitalang kaso ng cholera sa Negros Occidental. Ang lokal na pamahalaan, tinutukan din ang mataas na kaso ng typhoid fever sa probinsya.
Sa ulat ni Aileen Pedroso ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing batay sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office (PHO), dalawa na ang namatay dahil sa sakit habang ang ilan ay pawang naka-recover na.
Ayon pa sa datos, Talisay City ang nagtala ng pinakamaraming kaso ng cholera na aabot sa 10. May tig-anim naman na kaso ang Silay City at E.B. Magalona at tig-isa sa Victoria City at Calatrava.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng water borne diseases, agad na nagsagawa ng consultative meeting ang Talisay City Health Office sa mga barangay official at healthcare worker sa 27 barangays sa lungsod upang talakayin ang mga gagawing hakbang kontra cholera.
Inirekomenda rin ni Governor Eugenio Jose Lacson ang pagkakaroon ng food and drinking water quality monitoring committee ang bawat lokal na pamahalaan sa probinsya.
Sa ngayon, 11 sa 31 na local government units pa lang ng probinsya ang ay may nasabing komite.
Sinisiguro naman ng mga nagtitinda ng pagkain na malinis ang kanilang mga ibinebenta.
Maliban sa cholera, tinutukan din ang kaso ng typhoid fever sa probinsya. Ayon sa PHO, umabot na sa 623 ang tinamaan ng typhoid fever na ngayong taon habang anim na ang namatay. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News