Ginilitan at pinagsasaksak ng isang lalaki ang kaniyang kinakasama sa Lingayen, Pangasinan. Ang naarestong suspek, inamin ang ginawang krimen.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jennifer Engalla, 45-anyos. Naaresto naman ang suspek na si Rod Navarro.

Ayon sa pulisya, lasing umano ang suspek nang paslangin niya ang biktima sa bakuran ng kanilang tirahan sa Barangay Domalandan West.

Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pagkuha ng suspek ng patalim at pinagsasaksak at nilaslas pa ang leeg ng biktima.

Paliwanag ni Navarro, napuno na siya sa lagi nilang pagtatalo ng biktima.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na kasuhan ang suspek.--FRJ, GMA News