Nagtamo ng sugat ang isang aso nang tagain sa mukha ng isang tanod na hinabol nito sa Bula, Camarines Sur.

Sa ulat ng “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing inilahad ng may-ari ng aso na pansamantala niyang pinakawalan ang kaniyang alaga, at hindi napansing dumiretso na pala ito sa kalye.

Dumepensa ang tanod na wala siyang intensyong saktan ang aso, pero hinabol siya nito at akma siyang kakagatin.

Humingi na ng tawad ang tanod at nagkasundo na sila ng may-ari ng aso sa barangay.

Kinondena ng isang animal advocate group ang nangyari, na nanawagang itigil na ang pananakit sa mga hayop.

Patuloy na nagpapagaling ang aso. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News